Magsisimula nang magsagawa ng testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang tatlo pang ospital sa Metro Manila ngayong linggo.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaari nang makapagtest para sa COVID-19 ang Lung Center of the Philippines (LCP) sa Quezon City ngayong araw, Martes.
Habang inaasahan naman magsisimula na ring mag-test ang St. Lukes Medical Center Quezon City at Global City anumang araw ngayong linggo.
Una nang nabigyan ng sertipikasyon ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang limang sub national laboratories para makapagsagawa ng testing sa COVID-19.
Sinabi ni Vergeire, kakayanin ng mga nabanggit na sub national laboratories na magproseso ng aabot sa 200 samples kada araw habang kakayanin naman ng RITM na magsagawa ng 601,000 test araw-araw.
Dagdag ni Vergeire, mayroon pang 40 iba pang mga public at private hospital at molecular biology laboratories ang nagpahayag na rin ng interest para makakuha ng RITM certification para sa pagsasagawa ng COVID-19 testing.