Nilinis ng pulisya ang tatlong nakilalang pasahero ng napatay at pinagnakawang Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr.
Ayon kay Pasay Police Deputy Chief for Operations Superintendent Gene Licud, sa kasalukuyan ay hindi pa nila maiuugnay sa kaso ang tatlong nasabing pasahero matapos na personal na magtungo ang mga ito sa pulisya at itinangging may kinalaman sila sa insidente.
Ang tatlong nasabing pasahero na pawang mga air-conditioning technicians ay nakita sa isang CCTV footage na sumakay sa Toyota Innova ni Maquidato noong Huwebes.
Batay sa report, nag-book ang tatlo sa San Juan City subalit hindi na nakarating sa kanilang destinasyon sa Pasay City.
Dagdag ni Licud, meron pa silang isa hanggang sa tatlong iba pang itinuturing na persons of interst at kanilang iniimbestigahan.
—-