Tukoy na ng Department of Transportation o DOTr ang tatlong persons of interest na posibleng responsable sa pagkalas ng dalawang bagon ng Metro Rail Transit-3 o MRT-3 noong huwebes.
Ito ay ayon kay DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez na patunay na may nagtatangkang i-sabotahe ang operasyon ng MRT-3.
Gayunman, tumanggi si Chavez na pangalanan kung sino ang mga sinasabing persons of interest dahil inaalam na ng National Bureau of Investigation o NBI ang motibo sa insidente.
Hindi naman anya basta mawawala ang messma card na nag-rerecord ng lahat ng “interventions” sa mga tren kung walang gagalaw nito.
“Kaya yan lumala, pumasok kami sa ganyang anggulo sapagkat nawala yung blackbox, yung messma card. Ang hint namin, kaya ito nawala, number 1, posibleng i cover up dahil lang sa maling operasyon. Hindi tayo nag-aakusa sa driver, ang sinasabi lang natin baka may maling nagalaw, may maling ginawa sa operasyon. Kung hindi sana nawala yung messma card, mas madaling matutukoy kaagad kung ano ang nangyari kasi nakita namin yung mechanical parts nung coupler, yung dalawang nagdudugtong, walang damage eh. Yung electrical parts walang damage. Nung kumalas yan, walang damage. Pwede lang siyang kumalas, kung may human intervention.”