Naunsyami ang dapat sanay “dream trip” ng tatlong Pilipina sa Hongkong makaraang harangin sila ng mga tauhan ng immigration duon.
Batay sa kuwento ni Grace Ann Bartolome sa social media account nito, sampung oras sila isinailalim sa hold status para sa ilang pagtatanong at hinanapan pa sila ng ilang dokumento.
Gayunman, sinabihan umano sina Bartolome at ang dalawa nitong kaibigan na hindi sila papapasukin sa Hongkong at sa halip ay pababalikin sila sa Pilipinas for security purpose.
Reklamo pa ni Bartolome, sila pa ang pinagbayad ng kanilang flight tickets pabalik ng Pilipinas na aniya’y nagdulot ng matinding trauma sa kanila.
Pero sa huli, ipinagpasalamat na lamang ni Grace Ann na ligtas silang nakabalik ng Pilipinas at wala naman silang nawalang gamit sa mga sandaling nasa ilalim sila ng kostudiya ng Hongkong immigration.