Nakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang tatlong rehiyon sa bansa na Cagayan Valley, Central Visayas at Caraga Region.
Sa isang pahayag, sinabi ni Health Epidemiology Bureau Director, Alethea De Guzman, na ang tatlong rehiyon ay nakapagtala ng mataas na bilang ng kaso nitong nakaraang dalawang linggo.
Mababatid na gaya ng sa Region 2, nakita ang pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan, Isabela maging sa Santiago City.
Dahil dito, ani De Guzman, patuloy ang pagsusumikap ng regional offices ng DOH para matiyak na mapapataas ang dedicated beds para gamutin ang mga dinapuan ng COVID-19 sa mga nabanggit na rehiyon.
Habang sa kabisayaan naman, tumaas ang kaso ng virus sa probinsya ng Cebu maging sa cebu City, Lapu-Lapu City, at sa Mandaue City pero hindi naman ito itinuturing na nasa high o critical case ang rehiyon dahil may sapat itong bed capacity.
Gayundin sa Caraga Region na napanatiling nasa safe category ang kanilang pagtugon kontra COVID-19.