Kabilang ang tatlong siyudad sa Pilipinas sa listahan ng may pinakamalinis na hangin sa Southeast Asia.
Ito ay batay sa inilabas na 2023 World Air Quality Report ng IQAir, isang air-monitoring company mula sa Switzerland.
Ayon sa inilabas na pag-aaral, top 6 ang Calamba City, Laguna sa may pinakamalinis na hangin sa buong Southeast Asia. Dahil dito, kinilala ang lungsod bilang least polluted city sa bansa.
Pasok din sa listahan ang Carmona City, Cavite sa top 9; samantalang top 11 ang Balanga City, Bataan.
Sa kabila nito, hindi pa rin maituturing na ligtas ang hangin sa mga nabanggit na lugar dahil ayon sa World Health Organization (WHO), ang safe level ng hangin ay mayroon lamang 5 micrograms per cubic meter ng average PM2.5 concentration.
Tumutukoy ang PM, o particulate matter, sa particles na matatagpuan sa hangin; kabilang ang alikabok, dumi, usok, at liquid droplets. Sa lahat ng pollution measures, ang PM2.5 ang pinakamapanganib.
Sa Calamba, mayroong naitalang 8.2 micrograms per cubic meter ng PM2.5 pollution ang IQ AIR.
Gayunman, dapat nating gawing inspirasyon ang mga nabanggit na siyudad sa pagpapaigting ng mga aksyon sa paglaban sa lumalalang air pollution sa buong bansa.