Patay ang tatlong sundalo matapos tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Legazpi City kaninang umaga.
Batay sa ulat ni Capt. John Paul Belleza, tagapagsalita ng Army’s 9th Infantry Division, magka-angkas sa dalawang motorsiklo ang apat na sundalo nang walang sabi-sabing paulanan sila ng bala sa bahagi ng Brgy. Banquerohan.
Dead on the spot ang tatlo sa mga sundalo habang nakaligtas naman ang isa sa kanila at nakahingi ng tulong mula sa kanilang mga kasamahan.
Dagdag pa ni Belleza, patungo sana ang mga biktima sa banquerohan public market para mamili ng kanilang makakain nang isakatuparan ang krimen.
Pawang nakatalaga sa community support program ng militar ang apat na sundalo sa Brgy. Bariis at Banquerohan.
Agad namang nagkasa ng hot pursuit operations ang militar laban sa mga rebeldeng nasa likod ng naturang pananambang.