Tiniyak ni Senadora Risa Hontiveros ang pagdalo ng tatlong testigo sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos sa isasagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ngayong araw.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Hontiveros na lumagda na sa affidavit ang tatlo na kakatawanin ng child rights lawyer na si Atty. Minerva “june” Ambrosio na siyang pinuno ng National Center for Legal Aid ng IBP o Integrated Bar of the Philippines.
Kasunod nito, umaasa ang Senadora na magiging patas ang magiging pagdinig ng Senado hinggil sa dalawang resolusyon na nananawagan para sa katotohanan at katarungan sa pagkamatay ni Kian Loyd.
Pumalag din si Hontiveros sa mga batikos sa kaniya at binigyang diin na hindi tungkol sa pulitika ang pagkamatay ni Kian kung hindi para sa libu-libong biktima ng EJK o extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
By Jaymark Dagala / (May Ulat nina Bert Mozo / Aya Yupangco)
SMW: RPE