Daragdagan pa ng Joint Task Force COVID-19 shield ang kanilang mga tauhan sa mga hotel na tinutuluyan ng mga umuuwing OFW.
Ayon kay Deputy Chief PNP for operations at Joint Task Force COVID-19 Shield Commander P/Ltg. Ephraim Dickson, nagpasaklolo na ang Philippine Coast Guard sa kanila para bantayan ang mga OFW na naka-quarantine.
Kasunod na rin ito ng mga naitatalang insidente ng pagtakas ng ilang mga ofw at umuuwi sa kanilang mga probinsya habang may iba naman ang nakalalabas ng hotel na walang pahintulot at lumalabag sa health protocol.
Sinabi ni Dickson, aabot sa mahigit 200 mga hotel ang binabantayan ng Philippine Coast guard at nahihirapan na silang bantayan ang mga ito.
Batay sa rules ng Inter Agency Task Force o IATF, kinakailangang sumailalim sa 10 araw na quarantine ang mga umuuwing OFW sa mga accredited hotels sa bansa habang naghihintay ng kanilang swab test result
Layon nito ani Dickson ay bilang pag-iingat na rin sa pagkalat ng COVID-19 lalo pa’t may mga bagong variant na ng virus ang nakapasok sa bansa.-ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)