Abala ngayon ang Manila Police District sa paghahanda para sa pista ng Itim na Nazareno sa darating na Sabado, Enero 9.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Police Supt. Marissa Bruno, Hepe ng Public Information Office ng MPD na bahagi ng kanilang preparasyon ang pagsasagawa ng clearing operations.
“Magkakaroon tayo ng patuloy na paglilinis ng kalsada, kasama ang ating illegal vendors, gayundin po, makikipag ugnayan tayo sa mga ongoing constructions at kung ano pa man ang maaring makapagdulot ng kapahamakan sa ating mga deboto.”
Inaasahan aniya nila na milyun-milyong deboto ang dadalo sa nasabing prusisyon.
“Noong nakaraang taon po, nakapagtala tayo ng 8 milyon sa kabuoang Pista ng Nazareno. Ngayon taon, inaasahan na mas marami pa ang dadagsa,” paliwanag ni Bruno.
Ipinabatid din ni Bruno na ang ruta ng traslacion ng itim na Nazareno ay katulad noong nakalipas na taon.
“Ang ruta ng prusisyon ay katulad din noong nakaraang taon na mula sa Quirino Grandtand, ang tatahakin nating tulay ay Jones Bridge at patuloy tayong iikot sa ating destinasyon”
By: Meann Tanbio