Tinitignan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paggamit sa isang uri ng isda na kumakain ng mosquito larvae o kiti-kiti laban sa tumataas na bilang ng kaso ng dengue.
Ayon kay BFAR Dagupan Director Westley Rosario, naghahanap siya ng mga isdang maaaring magamit panlaban sa dengue tulad ng mosquito fish.
Aniya, panahon ng World War 2 nang dalhin at ipakilala ng Amerika sa Pilipinas ang mosquito fish para labanan ang malaria.
Dagdag ni Rosario, nabubuhay kahit sa maduduming tubig tulad ng kanal ang mosquito fish.
Wala din aniyang mga pag-aaral na nagsasabing nakasasama sa tao o sa ibang hayop ang nasabing isda.
Samantala, nakatakdang magpalabas ang Department of Science and Technology (DOST) ng capsule herbal supplement na gawa sa halamang ‘tawa-tawa’ na makatutulong makapagpataas ng platelets ng mga may sakit na dengue.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, kanilang ipalalabas ang nabanggit na herbal supplement sa Agosto 15.
Gawa aniya ito ng isang pribadong kumpanya sa tulong ng pamahalaan.
Dagdag ni Dela Peña, aprubado na rin ito ng Food and Drug Adminsitration (FDA) bilang food supplement.