Pinalawig ng pamahalaang lokal ng Marikina ang Tax Amnesty Ordinance na makakatulong para maibsan ang pinansiyal na pasanin ng mga lokal na negosyo sa lungsod.
Sa nilagdaang bagong ordinansa ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, magkakaroon ng tax amnesty ang mga may-ari ng negosyo kung saan, hindi na nila kailangan pang magbayad ng mga multa, surcharge, o interes para sa mga nahuling bayad hanggang sa katapusan ng taon.
Matatandaang unang ipinatupad noong Oktubre a-13 hanggang Disyembre a-31, 2021 ang amnestiya para sa mga pagbabayad ng buwis at pinalawig pa ito mula Pebrero a-23 hanggang Hunyo a-30, 2022.
Sa Inaugural Session ng 10th City Council noong Hulyo a-6, personal na hiniling ni Mayor Teodoro na maipasa ang bagong panukala para sa mga residenteng umaasa lang sa kita ng kanilang negosyo at patuloy na nakikipag-sapalaran sa gitna ng COVID-19 pandemic maging sa inflation at pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.