TODO ang suporta ni Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) President Edmund Araga sa pagsasama sa e-motorcycles sa mga pagkakalooban ng tax incentives sa ilalim ng Executive Order No. 12 na sumasailalim sa mandatory review magmula noong Pebrero 21 ngayong taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Araga na hindi dapat ‘car-centric’ ang Pilipinas at dapat nitong isaalang-alang ang karamihan ng road users sa bansa na motorcycle riders.
Nabatid sa Statista Research Department na ang Pilipinas ay may kabuuang 7.81 million registered motorcycles at tricycles na bumubuo sa karamihan ng mga motorista na gumagamit ng mga kalsada.
“We are very vocal that with the proliferation of [EVs] in the Philippine setting, kailangan na kailangan din ‘yang mga [e-motorcycles] na ‘yan. In fact, most of the consumers can afford to buy two wheels and three wheels, and not on the four wheels… mahirap kung ang basis natin ay nasa four wheels lang,” pahayag ni Araga nang hingan ng komento sa posibleng pagsasama sa e-motorcycles sa listahan ng EVs na nabibiyayaan ng tax breaks sa ilalim ng Executive Order No.12 series of 2023.
Sa ilalim ng EO12, series of 2023, binago ang tariff rates para sa ilang uri ng EVs at mga parts at components nito sa loob ng limang taon upang makatulong sa pagsusulong ng green transportation sa bansa.
Subalit sa kasalukuyan ay hindi kasama ang e-motorcycles sa listahan ng EVs na nabibigyan ng tax break kaya pinapatawan pa rin ito ng 30% tariff rates. Ang executive order ay kasalukuyang nirerepaso makaraang magkabisa ito noong Pebrero 20, 2023.
Sabi ni Araga, ang pagkakaloob ng tax breaks sa motorcycles ay magiging isang game-changer sa trapiko sa bansa, subalit sinabing ang pagpasok ng mga ito ay dapat na maayos na masubaybayan at madodokumento upang maiwasan ang maling paggamit ng mga ito sa kalsada.
“This would really be a game-changer kung talagang naisama ito [e-motorcycles on EO12]… We have to strike a balance out of these rules and regulations in order for us to secure and make sure that the application is in place,” sabi pa ni Araga.
Maliban dito, isinusulong din ni Araga ang localization ng e-motorcycle production, kasabay ng pagbibigay-diin na kailangang tingnan ng pamahalaan ang ‘win-win situation’ para sa mga producer at consumer ng e-motorcycles sa bansa.
“What we are pushing is bringing a manufacturing plant that is capable na mag-build dito. We are working tirelessly para ma-lure namin ang investors to come here and produce EVs, in particular, the two-wheels,” ani Araga.
Sinasabing umalma ang ilang stakeholders ng EV industry matapos ma-itsa-pwera ang
e-motorcycles sa initial implementation ng EO12 dahil hindi anila ito makatarungan sa riders.
Samantala, pahayag naman ni National Economic Development Authority Chief Arsenio Balisacan, ang pagrepaso sa EO12 ay sesentro sa pagtalakay sa pagkakaloob ng tax breaks sa e-motorcycles.