Ipinag-utos ni Finance Secretary Carlos Dominguez, III ang agarang pagproseso ng mga aplikasyon para sa tax at duty exemptions ng mga donasyon sa mga komunidad na sinalanta ng bagyong Odette.
Kasunod na rin ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang relief at rehabilitation efforts sa mga lugar na tinamaan ng nagdaang bagyo.
Aniya, inatasan na rin niya ang mga opisyal at mga personnel ng revenue office magkaroon ng iba’t ibang shift sa loob ng 24 oras, upang mapabilis ang tax exemption indorsements at paglalabas ng importations ng donated relief consignments mula sa iba’t ibang bansa at international organizations o institutions.
Maliban dito ay inaprubahan na din ni Dominguez ang hiling ng Revenue Operations Group ng Department of Finance (DOF) na ipagbigay alam sa Office of the President at sa publiko ang mga patakaran at requirements sa paglalabas ng tax exemption indorsements.