Kinuwestyon ng isang tax expert ang kasunduan ng pamahalaan at ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation kaugnay ng mga overpriced umanong medical equipment.
Ayon SACPA at tax expert na si Mon Abrea, consultant ng Bureau of Internal Revenue, kahina-hinala umano na makapagbulsa ang Pharmally ng bilyong pisong kontrata na halos isang taon pa lamang.
Karaniwan anyang inaabot ng dalawang taon para lamang sa proseso ng accreditation at pagkuha ng lisensya upang maging kwalipikado sa bidding.
Kailangan din ng importer’s license at kadalasang umaabot ng dalawa hanggang tatlong taon bago makapag-establish ng reputasyon upang mapatunayan ang financial capacity ng isang kumpanya.
Sa kabila nito, nilinaw ni Abrea na hindi niya sinasabing iligal ang kumpanya maging ang kasunduang pinasok nito sa gobyerno pero kahina-hinala. —sa panulat ni Drew Nacino