Bahala na ang Bureau of Internal Revenue o BIR na magpasya kung kakaltasan ng buwis ang sahod ng volunteer teachers at Department of Education o DepEd personnel na maglilingkod sa barangay at SK elections sa Lunes.
Ayon ito kay Commission on Elections o COMELEC Spokesman James Jimenez sa gitna na rin nang paghihintay nila sa pormal na apela ng DepEd hinggil sa panawagan nitong huwag nang kaltasan ng buwis ang honoraria ng mga nasabing volunteer.
Sa ngayon aniya ay pagbabatayan muna ng COMELEC ang panuntunan sa ilalim ng Election Service Reform Act o ESRA gayundin ang BIR ruling noong Abril kung saan nagpapatupad ng limang porsyentong kaltas sa teachers poll pay.
Sa ilalim ng ESRA, makakatanggap ng P6,000 ang public school teachers na uupong electoral board chairperson, P5,000 naman sa mga miyembro ng naturang board, P4,000 para sa DepEd supervisor at P2,000 naman sa support staff.
Bukod dito, P1,000 travel allowance ang matatanggap ng bawat volunteer.
—-