Lusot na sa House Committee on Ways and Means ang “Tax Provisions” na layuning itaas pa ang diskwento sa binabayarang kuryente at tubig ng mga senior citizen.
Nakasaad sa House Bill number 1903 at 3040 hindi bababa sa 10% ang diskwentong matatanggap ng senior citizens sa kanilang buwanang water at electricity bills.
Batay sa panukala, itataas sa 150 kilowatt hours mula sa 100 kilowatt hours ang limitasyon sa paggamit ng kuryente habang nananatili sa 30 cubic meters ang takdang limitasyon sa pagkonsumo sa tubig.
Binigyang-diin ni Albay 2nd district representative Joey Sarte Salceda na nakasaad sa naturang panukala ang mga hakbang upang maiwasan ang pananamantala sa benepisyong ito.
Aniya sakaling tuluyang maisabatas ang panukala, kabilang sa mga pamantayan ay dapat naninirahan mismo sa tirahan ang naturang senior citizen bago makatanggap ng kaukulang discount at exemption sa VAT.