Umaasa ang DOF o Department of Finance na maisabatas ang tax reform package sa loob ng taong ito upang maipatupad na sa 2018.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Paola Alvarez, Spokesperson ng DOF, umaasa rin administrasyon na buong-buo na papasa sa Senado ang tax reform package tulad ng ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Binigyang diin ni Alvarez na sa pamamagitan ng inilatag nilang tax reform package, hindi malayong maging kasing-angat ng ekonomiya ng Thailand ang Pilipinas pagsapit ng 2022.
At kung sakali anyang magtuloy-tuloy pa ito, posibleng makapantay na ng Pilipinas ang Malaysia at South Korea pagsapit ng 2040.
“Gusto natin na masimulan na natin at next year makapagbaba na tayo ng income tax at makakuha ng karagdagang budget para naman ang Build Build Build program natin ay hindi madehado, ang goal kasi natin dito sa infrastracture projects na ito ay pagdating ng 2022 umangat ang lebel ng ating ekonomiya, at pagdating ng 2040 kung dire-diretso ang ating reporma, yung ating bansa puwedeng maging kasing yaman ng Malaysia o South Korea, yan ang ating goal, hindi siya imposible pero kailangan nating magsakripisyo bago makapunta sa ginhawa, para sa atin ito, kumbaga ito ay investment, kailangan nating mag-prepare para sa mga ga-graduate nating estudyante meron silang trabaho pagdating ng araw.” Pahayag ni Alvarez
Nakatakdang mag-convene ang Senado anumang araw ngayon para simulang talakayin ang panukalang comprehensive tax reform package matapos na ipanawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA ang mabilis na pagpasa sa nasabing batas.
Ayon kay Senator JV Ejercito, isa itong magandang hakbang para maiparating at masagot ng mga economic managers ng Malakanyang ang mga tanong at alalahanin ng mayorya ng mga senador.
Iginiit naman ni Deputy Minority Floor Leader Bam Aquino, mahalagang masuring mabuti ng Senado ang tax reform package na isinusulong ng pamahalahaan dahil maaari itong magbunga sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Aniya, isang magandang lugar ang Committee of the Whole para kanilang maisawalat at maipaabot ang kanilang mga hinaing ukol dito.
Para naman kay Senador Panfilo Lacson, sa pagbuo ng Committee of the Whole, mabibigyan ng pagkakataon ang mga Senador na matiyak na magiging tama ang kanilang pasya ay boto.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview) | Krista de Dios | may ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)
Tax reform bill nais maisabatas bago matapos ang taon was last modified: July 27th, 2017 by DWIZ 882