Nakatakdang mag-convene ang Senado bilang Committee of the Whole para tutukan ang panukalang tax reform program na una nang iniaapela ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipasa ng Mataas na Kapulungan.
Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na papayagan nila ang mga senador na magkasa ng matalinong boto hinggil sa nasabing panukala.
Ayon kay Lacson, nakikisimpatiya sila kay Senador Sonny Angara na kawawa naman aniya at baka matulad sa sinapit ni Senador Ralph Recto.
Tinukoy ni Lacson ang VAT na ipinasa ni Recto na nakatulong naman sa ekonomiya subalit hindi ito na realize ng mga Pilipino at naparusahan pa nang matalo sa eleksyon.
Magugunitang natalo si Recto sa kanyang re-election bid sa 2007 elections bilang ganti sa pagpasa ng e-VAT Law na iniakda nito.
Una nang siningle out ng Pangulo si Angara dahil hindi ito pumalakpak nang umapela ang Pangulo sa Senado na agarang ipasa ang tax reform proposal.
Tila nagbanta pa ang Pangulo kaugnay sa re-election bid ni Angara noong 2019 sa pagsasabing bantay ka lang sa eleksyon, tingnan mo.
By Judith Larino
Tax reform package nakatakda nang tutukan ng Senado was last modified: July 27th, 2017 by DWIZ 882