Kinumpirma ni Albay 2nd district representative Joey Sarte Salceda na nasa kamay na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panukalang batas na House bill 9913 o ang Tax relief bill para sa private school.
Layunin ng naturang panukala na bawasan ang income tax sa mga proprietary school sa 1% hanggang Hunyo 2023 at 10% naman ang ibabawas pagkalipas nito, mula sa regular na comporate income tax rate na 25%.
Ayon kay Salceda, sakaling maisabatas ang panukala malaking tulong ito para sa business sector na maibibigay ng pamahalaan.
Aniya, posibleng lumikha ng halos labing siyam na libong bagong trabahong ang panukalang batas dahil sa matitipid na buwis ng sektor.
Kaugnay nito, agad nang nagpaabot ng pasasalamat si Salceda sa Pangulo at hinimok nito lagdaan na ng Presidente ang kanyang panukala oras na mapag-aralan niya ito. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)