Sinuportahan ngayon ni senatorial candidate at dating Vice President Jejomar Binay ang panawagan na alisin ang buwis sa honorarium ng mga guro at iba pang mga election personnel sa darating na eleksyon sa Mayo.
Ayon kay Binay, ito ay pagkilala sa hirap at sakripisyo ng mga guro at election personnel, lalo na ngayong panahon ng tag-init at pandemya.
Nagpataw noong 2018 ng limang porsyentong buwis ang Bureau of Internal Revenue sa election honorarium ng mga guro. Ngunit ayon sa Alliance of Concerned Teachers, itinaas ng 20 porsyento ang buwis sa travel allowance ng mga guro sa darating na eleksyon sa Mayo.
Dagdag pa ni Binay, mas madaling makokolekta ng mga guro at election personnel ang kanilang honorarium kapag tinanggal ang buwis.
Ito ay dahil kung gusto nilang ma-exempt sa pagbabayad ng tax, kailangan pa nilang mag-file ng deklarasyon na mababa sa P250,000 ang kanilang annual gross income.
Dapat hindi na pahirapan ang mga guro at election personnel dahil sa laki ng trabahong ginagawa nila tuwing araw ng eleksyon, ayon pa kay Binay.
Si Binay ay tumatakbong senador sa ilalim ng United Nationalist Alliance o UNA.