Nagpasaklolo na sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang isang taxi driver na nakatikim ng pagmamalupit mula sa isang babaeng motorista dahil sa away trapiko.
Ito’y matapos magviral sa social media kamakailan ang video ng facebook user na si Joshua Baluyot sa ginawang pananampal ng nasabing motorista sa taxi diver na si Virgilio Doktor.
Ayon kay LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada, inaalam na nila ang kinaroroonan ng babaeng nanampal kay Doktor para makuhanan ng kaniyang panig hinggil sa usapin.
Magugunitang lumabas din sa naturang video ang ginagawang pananampal ng naturang babae kay Doktor habang nakasakay sa minamaneho niyang taxi makaraang mag-overtake at businahan umano ang kotseng minamaneho ng babaeng motorista.
Paliwanag ni Doktor na binubusinahan din siya ng isang fx na nasa kaniyang likuran kaya niya ito nagawa sa naturang kotse na siyang dahilan ng pananampal nito sa kaniya.