Setyembre 3 pa huling nag-report sa pinapasukang taxi company ang taxi driver na umano’y hinoldap ni Carl Angelo Arnaiz.
Ipinabatid ito ng tatlong kinatawan ng R&A Taxi na nagtungo sa NBI o National Bureau of Investigation para magsumite ng mga dokumento kaugnay sa employment ni Tomas Bagcal.
Batay sa bitbit na dokumento ng mga kinatawan ng taxi firm, 2008 pa nagmamaneho dito si Bagcal.
Lumalabas sa DTR na nag-report ito noong Agosto 17 ng 4:00 ng hapon at bumalik sa kumpanya sa Baesa, Quezon City noong Agosto 18 ng 9:00 ng umaga.
Ini-report anila ni Bagcal ang nangyaring pangho-holdap sa kaniya sa C3 road sa Caloocan at sinabing napatay ng mga otoridad ang suspek na tinukoy na si Carl.
Huling nagpakita sa taxi company si Bagcal noong Setyembre 3 ng 4:00 ng hapon at iniwan ang taxi na minamaneho ng 5:00 ng madaling araw ng Setyembre 4.
Si Bagcal, 54 na taong gulang ay mula sa Bagnos Aurora, Isabela at college graduate sa kursong Business Administration major in Banking and Finance noong 1984.