Nilinaw ng Hirna Mobility Solutions na hindi sila TNVS o Transport Network Vehicle Services tulad ng Grab at Uber.
Ayon kay Coco Mauricio, Founder ng Hirna, isa silang taxi hailing application o isang app sa cellphone na puwedeng gamitin para mag-book ng taxi.
Nagsimula na aniya ang kanilang operasyon sa Davao noong February 15 at sinundan ng Davao, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro, Cebu, Baguio at Pampanga samantalang target nilang masimulan ito sa Metro Manila sa susunod na tatlong buwan.
Ipinaliwanag ni Mauricio na wala silang sinisingil na booking fee at ang tanging babayaran ng pasahero ay kung ano ang lalabas sa metro ng taxi.
Gayunman, inamin ni Mauricio na posibleng maging daan sila para payagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na makapagtaas ng singil ang mga taxi.
Nakasaad aniya sa memorandum ng LTFRB nang aprubahan sila na puwedeng dagdagan ang singil sa taxi kung mayroong app na ginagamit para makapagpa-book ang pasahero.
—-