Welcome sa PNTOA o Philippine National Taxi Operators Association ang inaprubahang umento sa flag down rate at bagong sistema sa pag-kwenta ng pasahe sa mga taxi.
Ito ay matapos ipako ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa P40 ang flag down rate at pagpapataw ng dagdag na P13.50 kada kilometro at dalawang piso kada minuto na travel time sa pasahe ng taxi.
Ayon kay PNTOA President Bong Suntay, tunay na napapanahon na ang naging desisyon ng LTFRB dahil walong taon nang nagtitiis sa parehong pasahe ang mga taxi drivers kasabay pa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Naniniwala rin si Suntay na magkakaroon ng positibong resulta ang naging desisyon ng LTFRB at kapwa magiging patas ito sa mga taxi drivers, operators at mga mananakay.
“Win-win solution yan hopefully with new formula ang maging resulta niyan ay madagdagan ang kasalukuyang kita ng mga driver, hopefully ang epekto sa amin niyan ay mas maging responsable sila, hindi namimili ng pasahero at hindi nanghihingi ng dagdag, on the part of the operator naman what we hope to happen is tumaas ang utilization ng taxi.” Ani Suntay
Ipinaliwanag pa ni Suntay na bagama’t nagkaroon ng taas pasahe sa mga taxi ay mas mababa pa rin ito kung ikukumpara sa Uber at Grab.
“Parang tumataas lang kasi sinasabi natin agad na uy ito per kilometer plus time in, so kapag tinignan mo ang base fare ng TNVS, kapag straight computation ang ginamit ko parang mas mababa yung luma, pero hindi natin isinasama yung factor na kapag pumasok yung surge price, times two lagi yan.” Pahayag ni Suntay
(Ratsada Balita Interview)