Tinatayang aabot sa P1B hanggang P2B kada araw o katumbas ng animnapung bilyon ang nakokolektang taya ng Lucky 8 Star Quest Incorporated.
Ito ang inamin ni gaming tycoon at may-ari ng Lucky 8 Star Quest na si Charlie “Atong” Ang sa ginanap na pagdinig sa Senado kahapon tungkol sa mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Ang, sa kabuuan, tatlong bilyong piso kada buwan ang kaniyang kinikita sa kaniyang online sabong.
Pero mula sa nasabing halaga, ibinunyag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na anim na daan at apat na pu’t milyong piso lamang ang venue collection ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kada buwan.
Pagdidiin ni Drilon, napakaliit nito kumpara sa bilyun-bilyong kinikita ng nasabing online gambling company.
Pero nilinaw ni Ang na ang tatlong bilyong kita kada araw ay nahati pa sa bayad sa ahente na umaabot sa dalawa hanggang dalawa punto limang milyon at isang porsyento rin dito ang para sa gastusin sa e-sabong firm.
Sa kabuuan, aniya, mayroon na lamang walo hanggang siyam na raang milyong piso ang kaniyang kinikita.
Nabatid na bukod sa Lucky 8, kabilang din sa iniimbestigahan ng Senado tungkol sa mga nawawalang sabungero ang kompanyang Belvedere Vista Corp., Visayas Cockers Club Inc., Jade Entertainment And Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corp., Philippine Cockfighting International Inc. at Golden Buzzer, Inc. – sa panulat ni Abie Aliño-Angeles