Bahagyang humina ang Bagyong ‘Tisoy’ habang kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bahagi ng West Philippine Sea.
Batay sa 11AM weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Bagyong Tisoy sa layong 290 kilometro kanluran, timog-kanluran ng Subic, Zambales.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 115 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Inialis na rin ang anumang banta ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) sa anumang bahagi ng bansa.
Gayunman, asahan pa rin ang pagkaranas ng mga pag-ulan sa bahagi ng Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora at ilan pang bahagi ng bansa.
Samantala, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong ‘Tisoy’ mamayang gabi o bukas ng umaga at inaasahan ding patuloy na itong hihina dahil sa epekto ng northeast monsoon.