Naaresto na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang teacher na umano’y nagpapanggap na miyembro ng New People’s Army upang makapangikil sa mga paaralan.
Kinilala ang suspek na si Jake Castro, na nagpadala ng mga e-mail sa kanyang mga biktimang paaralan at nagbantang bobombahin ang mga ito kung hindi magbibigay ng 2 million pesos.
Nasakote si Castro makaraang magpasaklolo ang isang school principal sa mga otoridad at isang undercover police ang nagpanggap na school staff at natimbog sa isang entrapment operation ang suspek.
Ayon kay PNP-CIDG Director, Maj. Gen. Eliseo Cruz, 114 na paaralan sa Metro Manila ang nakatanggap ng mga e-mail sa loob lamang ng dalawang araw.
Malaki anya ang tsansa na may kumagat at matakot para i-deliver ang gusto ng suspek kung hindi ito naaresto.
Bukod sa boodle money, narekober mula kay Castro ang isang kalibre 38 revolver.
Samantala, humingi naman ng kapatawaran ang suspek mula sa mga paaralan na nakatanggap ng kanyang mga e-mail.