Nanawagan ang isang grupo ng mga guro sa Department of Education na iurong ang pagbubukas ng susunod na School Year na nakatakda sa Agosto a – 22.
Ito, ayon kay Teachers Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas, ay upang mabigyan ang mga guro ng sapat na panahon para makapagpahinga sa pagitan ng nagdaan at susunod na School Year.
Una na nang hiniling ng TDC kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte noong Biyernes na buksan ang School Year 2022-2023 sa kalagitnaan ng Setyembre o Oktubre.
Bagaman tapos na anya ang mga klase, marami pa ring trabahong pinapagawa sa mga guro kaya’t mabibitin ang dapat sana’y dalawang buwan nilang bakasyon.
Kabilang sa mga ito ang In-service training, enrollment activities at pagsasagawa ng mga remedial at enrichment classes.
Wala pang inilalabas ang DepEd na opisyal na School Calendar para sa nasabing school year at tugon sa hiling ng TDC.