Tiniyak ni Department of Education (DepEd) Asec. Jess Mateo, na hindi papabayaan ng pamahalaan ang 13,000 propesor, na maaaring maapektuhan ng pagpapatupad ng senior high school.
Ayon kay Mateo, maliban sa magbubukas ang kagawaran ng 30,000 posisyon sa susunod na taon, mayroon ding pondo na inilaan para sa mga ito.
Ipinaliwanag ni Mateo na sakaling hindi mag-aalok ng senior highschool ang pinagta-trabahuhan nitong paaralan, bibigyan sila ng prayoridad, sa pag-aapply sa ibang paaralan.
“13,000 lang po ang tinatayang posibleng ma-displace, next year po, magke-create tayo ng hindi bababa sa 30,000 position sa senior high school pa lang po yun, maliban po doon, tertiary education transition fund, ito po ang ibinibigay sa mga faculty na posibleng maapektuhan.” Ani Mateo.
Voucher Program
Samantala, halos lahat ng magtatapos ng Grade 10, sa pampublikong paaralan, ay maaaring makinabang sa senior highschool voucher program.
Ayon kay Education Asec. Jess Mateo, ito ay para sa mga estudyante na hindi iaalok ng kanilang kasalukuyang paaralan, ang kanilang nais na academic o vocational track.
Ipinaliwanag ni Mateo na ang voucher program, ay maaaring isabay sa Conditional Cash Transfer Program ng DSWD.
By Katrina Valle | Karambola