Dumating na sa Las Vegas, Nevada si 8-division world champion Senator Manny Pacquiao kasama ang buong team nito.
Kakaunti na lamang ang nakasama ng Pinoy ring icon sa dating malaking entourage nito patungong gambling capital ng mundo.
Nabatid na tanging 20 katao lamang ang naging sakay ng 54-capacity bus na may litrato ni Pacquiao.
Kakaunti ito kung ikumpara sa mga nagdaang laban ng tinaguriang fighting senator kung saan jam-packed ang naturang bus magmula sa Wild Card Gym sa Los Angeles California papuntang Las Vegas.
Ayon sa isang source, posibleng marami ang hindi na sumama sa Las Vegas sapagkat tumanggi raw si Pacquiao na sagutin ang bayad sa hotel na tutuluyan ng mga supporters nito.
President’s support
Ipinagdarasal ng Pangulong Rodrigo Duterte para manalo si Senador Manny Pacquiao sa laban nito kay Jessie Vargas sa Las Vegas, Nevada sa darating na araw ng Linggo.
Sinabi ng Pangulo na dapat ay ma-knockout kaagad ni Pacman si Vargas para hindi masyadong mapagod ang Pambansang Kamao.
Tinukoy pa ni Pangulong Duterte ang aniya’y miracle punch ni Pacman na nagpatumba na sa mga malalaki at malalakas na boksingero sa mundo.
By Mariboy Ysibido | Judith Larino
Photo Credit: AP