Titiyakin ng Team Pilipinas na dadaan sa mahigpit na screening process ang mga atletang isasabak ng host nation sa darating na 2019 South East Asian Games (SEA).
Una nang nakiusap si chef de mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chair William Butch Ramirez sa National Sports Associations (NSA) na isalang lamang sa biennial meet ang aniya’y karapat dapat na mga atleta.
Ayon kay Stephen Fernandez, Deputy chef de mission, may binuo na silang criteria na magiging batayaan ng mga NSA’s sa pagpili ng mga atletang kakatawan sa bawat sport.
Kabilang sa mga criteria na ito ang mga nilahukang international competitions ng mga atleta gaya ng nakalipas na SEA games, Asian Games at World Championships.
Sinabi ni Fernandez na hindi nila minamadali ang mga NSA’s na makapagsumite ng kanilang line up para makapamili ng maayos ang mga ito.
Nasa 95% na aniya ng mga NSA’s ang nakapagusmite na ng kanilang listahan ng mga atleta at hinihintay na lamang ang iba na pipili na ngayong linggo.