Hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng netizens ang mistulang “live editing” ng Talk to the Nation ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa bahagyang pagtigil nito kung saan ilang segundong nakita ang video editing software noong Setyembre 2.
Napansin ang biglang pagka-udlot ng video habang nagsasalita si Energy Secretary Alfonso Cusi sa oras na 20 minutes at 6 seconds at tumagal ng 38 segundo bago naibalik.
Ini-upload ang screen grabs ng nasabing technical glitch sa Facebook page na “Resibo” at discussion website na Reddit.
Gayunman, mas kapuna-puna ang project file name na may katagang ttp_08-26-2021 na posibleng petsa na Agosto 26, 2021 kaya’t nagtaka ang mga netizen dahil tila isang linggong atrasado ang pag-ere ng Talk to the Nation ng Pangulo gayong noong Setyembre ito inilabas ng PTV-4.
Naniniwala ang mga netizen lalo ang ilang video editors na ang nasabing glitches ay indikasyon na hindi na-export ng editor ang project sa software bago ito ini-livestream.
Ang “export” ay isang computer command sa multimedia programs tulad photo at video editing applications. —sa panulat ni Drew Nacino