Maaantala ang nakatakda sanang technical launch ng DITO Telecommunity – ang ikatlong telco sa bansa.
Sa isinagawang pagdinig ng senado ukol dito, sinabi ni DITO Chief Administrative Officer Adel Tamano na kasalukuyan silang nagtatayo ng nasa 1,300 na mga cell towers, kung saan 300 sa mga ito ay gumagana na.
Gayunman, paliwanag ni Tamano, hindi nito matatapos ang pagtatayo ng ibang pang cell towers bago ang itinakdang palugit nito sa ika-8 ng Hulyo para sa gagawin sanang ‘technical launch’.
Sa ‘technical launch’ ay susuriin ng regulators kung ang kasalukuyang mga pasilidad ng kumpanya ay makasasapat na tugunan ang ipinangakong internet speed alinsunod sa government licenses na nakuha naman ng kumpanya.
Sa naturang lisensya, para sa kasalukuyang taon, ang target ay itinakda sa maximum internet speed na 27 mbps para sa 37% ng populasyon ng bansa.
Nauna rito, ang DITO na 3rd telco ng bansa ay inatasang magtayo ng may kabuuang 2,500 na mga cell towers bago sa pagsapit ng ika-8 ng Hulyo.
Oras namang hindi nito kayanin ng kumpanya ay wala itong ibang opsyon kung hindi ay humingi na lamang ng grace period o panibagong palugit sa pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Samantala, sa kaparehong pagdinig sa senado, sinabi ni dating DICT undersecretary Eliseo Rio na nangangahulugan lamang na naubos na ng kumpanya ang isa sa dalawa nitong grace periods sa pagtugon sa target na maisagawang cell towers alinsunod sa prangkisa nito.