Bumuo na ang gobyerno ng Technical Working Group para i-assess ang sitwasyon sa mga binahang lugar sa Cagayan De Oro City at Northern Mindanao.
Sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na bagamat hindi malawak ang idinulot na pinsala ng flashflood sa mga pananim, nakababahala ang malimit na pagbaha sa lugar.
Magtutungo aniya ang technical working group sa mga binahang lugar sa Mindanao para alamin ang sitwasyon at mag-survey.
Ipinabatid ni Piñol na magpupulong ang Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agrarian Reform (DAR), Bureau of Soil and Water Management at Department of Interior and Local Government o DILG para bumuo ng mga plano at hakbang upang hindi na maulit ang insidente.
Suplay ng mais at palay hindi naapektuhan ng malawakang pagbaha – Piñol
Hindi naapektuhan ang suplay ng mais at palay matapos ang malawakang pagbaha sa Cagayan De Oro at iba pang bahagi ng Northern Mindanao.
Ipinabatid ni Agriculture Secretary Manny Piñol na isolated lamang ang pagbaha sa nasabing lugar.
Tiniyak ng kalihim na mananatiling kontrolado ang halaga ng mga produktong pang-agrikultura sa Cagayan De Oro at Northern Mindanao.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping