Ni-reconvene na ng Department of Transportation ang technical working group (TWG) sa motorcycle taxi upang pangasiwaan at i-monitor ang patuloy na pilot implementation ng motorcycle taxi operations.
Sa department order ni transportation Secretary Jaime Bautista noong November 7, 2022, inihayag nitong kailangang magkaroon ng isang ahensyang mangangasiwa sa motorcycle taxi operations hangga’t walang batas na ipinapasa para rito.
Bubuuin ang TWG ng DOTr Assistant Secretary at hepe ng Land Transportation Office bilang Chairpersons; board member ng Land Transportation Franchising Regulatory Board bilang vice chair; hepe ng Inter-Agency Council for Traffic, chairperson ng Office for Transportation Cooperatives, chief ng LTO-Law Enforcement staff, chief ng LTFRB Technical Division at mga kinatawan mula sa DOTr Road Transport and Infrastructure Office o kanilang mga kinatawan bilang mga miyembro.
Ang secretariat naman ng TWG ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa LTO at LTFRB.
Magiging bahagi rin ang mga kinatawan mula sa Metropolitan Manila Development Authority at Committees on Transportation ng Kamara at Senado ng TWG.
Ito’y upang matiyak ang whole-of-government approach sa pag-issue ng karagdagang guidelines para sa pagpapatuloy ng pilot implementation.