Muling nagbabala ang isang Telecommunications Company laban sa pagkalat ng fake news na madalas makuha sa internet.
Isa sa biktima ng pekeng impormasyon, ayon sa Globe ay ang pagsisikap ng pamahalaan na mabakunahan ang mga Pilipino laban sa COVID-19 na sadyang nakakapagpalito at nakakapagduda sa mga Pilipino hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna.
Ilan sa mga pinaka-nakaaalarmang fake news tungkol sa COVID-19 vaccine ay:
- mayroong microchip na ipinapasok sa mga binabakunahan para masubaybayan ng gobyerno ang kanilang galaw 24/7
- ang mga bakuna ay naglalaman ng COVID-19 virus
- ang mga bakuna ay magdudulot ng mga panganib sa kalusugan
Kaya nga’t sa tulong ng kampanyang truth in action, sinusuportahan ng Globe ang programang ingat angat bakuna sa lahat ng pribadong sektor para maturuan ang publiko hinggil sa kaligtasan ng mga bakuna at hikayatin ang lahat na gawin ang kanilang bahagi para matapos ang pandemya.
Bahagi ng truth in action ang isang serye ng mga video na naglalarawan ng mga maling pahayag na ibinahagi ng ilan tungkol sa bakuna tulad ng isang panata na humihimok sa publiko na maging responsableng mamamayan para maiwasan ang pagkalat ng pekeng impormasyon online.