NANAWAGAN ang isang telco sa kanilang mga customers na i-parehistro na ang kanilang SIM card.
Ayon sa Globe, dapat i-register na ng mga Globe Prepaid, TM, at Globe At Home Prepaid WiFi users ang kanilang mga SIM dahil kulang isang buwan na lang ay deadline na nito.
Sa Hulyo 25 na ang katapusan ng extended deadline ng SIM Registration pero marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa rin registered ang SIM.
Hindi umano dapat magpahuli dahil ito na ang final extension na itinakda ng DICT o Department of Information and Communications Technology.
Sinabi ng telco na dapat tandan na ang SIM registration ay nakatakda sa ilalim ng Republic Act (RA) 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Law. Kailangang sumunod lahat ng SIM users dito dahil bahagi ito ng efforts ng gobyerno at telcos na protektahan ang mga consumer laban sa mga scammer at iba pang cybercriminals.
Lahat ng mga hindi makapag-register ay made-deactivate ang mga SIM. Kapag nangyari ito, mawawalan ng connectivity. Ibig sabihin, hindi na makakapag-text, tawag or makakapag-browse at post sa social media.
Samantala, kapag na-deactivate ang SIM, maaapektuhan din ang mga pang-araw-araw na gawain gaya ng online payments, pag-book ng transportasyon at deliveries, at access sa mobile data para sa pag-aaral, mga raket at libangan. Mawawala rin ang prepaid load balance at mga active promo subscription.
Para mag-register, maaaring gamitin ng mga Globe Prepaid, TM at Globe At Home Prepaid WiFi Customers ang GlobeOne app o ang SIM registration microsite ng Globe na https://new.globe.com.ph/simreg na available 24/7.
Maaari ring gamitin ng mga fully-verified na GCash users ang GCash app para makapag-register. May libreng 1GB pa kapag nag-register gamit ang GCash!
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Globe at sa mga pagsisikap nito sa pagpaparehistro ng SIM, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/.