Inihayag ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe na kapag naisabatas na ang mandatory Sim Registration Bill ay aatasan nito ang Telecommunications Companies (TELCO) na mahigpit na ingatan ang personal na detalye ng mga subscriber nito.
Ayon kay Poe, kailangang protektahan ng mga TELCO ang personal information ng suscribers sa isang database — na hindi nila pwedeng ibahagi maliban kung utos ng korte, o competent authority at kung may waiver ang subscriber.
Kada taon, sasailalim ang TELCO sa audit ng National Telecommunications (NTC) para makita kung tumutupad sa utos na ingatan ang datos ng subscribers.
Ibig sabihin nito, hindi nila pwedeng ibahagi ang hawak nilang datos sa mga nagpapadala ng unsolicited text messages at lalong hindi dapat makuha ng mga scammers.
Sa Senate Bill 1310 o Mandatory Sim Registration Bill na inaprubahan ng senado sa second reading kagabi, magmumulta ng 300,000 libong piso hanggang isang milyong piso ang TELCO para sa bawat paglabag sakaling maglabas ito ng impormasyon ng mga subscriber.