Isang telecommunications operations expert ang nagsabi na dapat itrato ang mga serbisyo ng telco katulad ng water at power utilities dahil ang internet connection sa digital age ay “naging isa nang karapatang pantao.”
Sabi ni Atty. Froilan Castelo, presidente ng Philippine Chamber of Telecommunication Operators at General Counsel ng Globe Group, mahalaga na bigyan ng pagpapahalaga ang internet connections sa pamamagitan ng pag-aalis ng lease fees para sa telcos sa mga pasilidad na ginagamit nila. Ito ay para mapabuti ang serbisyo sa publiko at mapalawak ang kanilang imprastruktura.
Iginiit ni Castelo ang mga panawagan ng ilang mambabatas at stakeholders na nais rebisahin ang National Building Code of 1977 upang alisin ang lease fees para sa telecommunication infrastructure. Layunin nito na matulungan ang telcos na mas mabilis na maka-access sa cell sites.
Ang House Bill Nos. 8534 at 900, na parehong inihain sa House of Representatives, ay naglalayong bigyan ang property developers ng mga tuntunin kung gaano kalaking espasyo ang dapat ilaan para sa telecommunication services.
Sinabi pa ni Castelo na ang telcos sa buong mundo ay nagsisimula nang makakuha ng suporta upang maalis ang regulatory roadblocks para sa kanilang imprastruktura. Dapat din ganito sa Pilipinas upang magamit ang upa para sa pagpapalawak ng kapasidad at coverage.
“Telcos around the world are experiencing revenue downtrends, and the Philippine telcos are no exception with low single-digit growths. However, capex and opex continue to rise on this capital-intensive industry and data-hungry customer base, further putting pressure on growth prospects in the coming years. This will create tension and delays in the infra builds that will affect service to the public,” sabi ni Castelo sa website ng Insider PH.
Ayon sa 2021 data mula sa National Telecommunications Commission (NTC), may mahigit 22,000 cell sites sa bansa, mas mababa sa one-third ng Vietnam na may 90,000, at pinagsasalu-saluhan ito ng tatlong telcos. Iminungkahi ng Private Sector Advisory Council (PSAC) ang karagdagang 35,000 cell sites.
Ayon sa Asian Development Bank (ADB), ang Pilipinas ang may pinakamababang coverage rates ng telecom towers sa Southeast Asia at mangangailangan ng karagdagang 60,000 towers sa 2031 sa remote areas.
Sinabi pa ni Castelo na ang pag-aalis ng lease fees para sa telcos ay maaaring maging win-win para sa parehong partido dahil ang telcos ay mag-iinvest pa rin sa digital services tulad ng digital parking systems at digital security para sa mga commercial establishments at condominiums.
“Thus, developers will not be left empty-handed with the provisions of digital services in store for them. Telcos believe that this will just be a glide-path though, as eventually, both telcos and developers will have to agree to a pure zero-rated hospitality in the latter’s establishments,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Castelo na sa huli ay idudulog ito ng telcos kay Presidente Ferdinand Marcos, Jr. na inaasahang magbibigay ng suporta dahil sa kanyang “digital mindset.”