MARIING ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telcos na magpadala ng text blast sa kanilang subscribers para balaan tungkol sa text spams o umano’y alok na trabaho.
Ginawa ng NTC ang hakbang kasunod ng mga ulat na kalat na kalat na ang mga ganitong SMS messages.
Batay sa memorandum order na may petsang November 19 na nilagdaan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, inatasan nito ang Digitel Mobile Philippines, Globe Telecoms, Dito Telecommunity, at Smart Communications na magpadala ng text blast na naglalaman ng mensahe na
“Babala! Huwag maniwala sa text na diumano’y nag-aalok ng trabaho. Huwag po magbigay ng personal na impormasyon. Ito po ay isang scam.”
Bukod dito, pinagsusumite rin ng komisyon ang mga telcos ng report of compliance bago o pagsapit ng Disyembre 14 ngayong taon.
Sinasabing ginawa ng NTC ang direktiba makaraang libo-libong users ang nagbahagi ng text messages o emails tungkol sa alok na trabaho na tinawag ng mga awtoridad na scams.