Mariing inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telcos na i-block o i-deactivate ang mga ipinadadalang clickable person-to-person Uniform Resource Locators (URLs) sa text message.
Sinasabing kasama rito ang mga ipinadadalang mensahe na mayroong URLs, TinyURLs, Smart Links o QC Codes na kadalasang nagagamit para makapanloko ng mga subscribers.
Batay naman sa memorandum ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, ipinag-utos nito sa mga kompanyang DITO Telecommunity, Smart Communications at Globe Telecom na i-block ang mga ganoong uri ng mensahe.
Kasabay nito, inatasan din ang mga telcos na magsumite sa NTC ng kanilang compliance report hanggang Sept. 16, 2022.
Nabatid na layunin ng kautusan na masawata ang paglaganap ng SMS text scams at mga spam messages.
Kadalasang ginagamitan ng URLs ang mga text scam at spam messages na kapag nai-click ng subscribers ay mapupunta ito sa pekeng website na ginagamit sa panloloko ng mga nasa likod ng modus o scam.
Binigyang-diin ng NTC kung agad na maide-deactivate at mai-block ng mga telcos, kahit mai-click pa ng mga subcriber ang links ay hindi na nito ma-access ang mga mapanlinlang na websites.