Mahigpit na ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga public telecommunications entities (PTEs) na ipatupad ang 90-day extension para sa SIM registration.
Batay sa Memorandum Order na nilagdaan ni NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, sa halip na hanggang noong Abril 26 na lamang ay tatagal pa hanggang Hulyo 25 ngayong ang pagpaparehistro ng SIM sa bansa.
Ikinasa ang desisyon ukol sa pagpapalawig ng SIM registration matapos ang rekomendasyon ng NTC sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Kasunod na rin ito ng isinumiteng written requests ng tatlong PTEs na DITO, Globe at Smart na humihiling na mapalawig pa ang registration period.
Samantala, ipinatawag naman ng NTC ang mga kinatawan ng tatlong kompanya para matalakay sa pagpupulong ang guidelines upang mas mapadali pa ang SIM registration process at maitaas ang bilang ng mga magpaparehistro sa buong kapuluan.