Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telecommunication companies o telcos na tiyakin ang agarang repair at restoration ng kanilang serbisyo sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Paeng.
Batay sa memorandum na inilabas ni NTC Deputy Commissioner Ella Blanca Lopez, ipinag-utos ng opisyal sa lahat ng telcos na ayusin sa lalong madaling panahon ang telecommunication services sa mga apektadong lugar.
Pinatitiyak din ni Lopez na mayroong sapat na bilang ng technical at support personnel para sa mabilis na pagbabalik ng serbisyo, gayundin ang standby generators na may extra fuel, tools at iba pang spare equipment.
Samantala, minsan pang ipinaalala ng NTC sa mga kinauukulan ang paglalagay ng “Libreng Tawag at Libreng Charging Stations” lalo na sa mga lugar na wala pang kuryente at serbisyo ng telcos.