Hindi maitatanggi na laganap ngayon ang pagpapadala ng mga “personalized” fake job, lucky winner, bonus cash at iba pang uri ng money scams sa pamamagitan ng text.
Babala ng National telecommunications Commission (NTC), ngayong buwan ng Setyembre ay nagpatuloy ang mga money scams target ang mga subscriber ng iba’t ibang telecommunication networks.
Bunga nito, mariing inatasan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang mga telecommunications company, kabilang ang DITO Telecom, Globe at Smart na magpadala ng text blast sa kanilang subscribers upang bigyang babala laban sa mga kumakalat na scam.
Nabatid na simula Sept. 9 hanggang September 15, iniutos ng NTC ang pagpapadala ng mensaheng “HUWAG PONG MANIWALA SA TEXT NA NAGLALAMAN NG INYONG PANGALAN AT NANG-AALOK NG TRABAHO, PABUYA O PERA. ITO PO AY ISANG SCAM”.
Ipinag-utos din ni Cordoba sa mga telco na tiyakin ang agarang pag-block sa mga SIM cards na ginagamit sa panloloko.
Kasabay nito, inatasan din ng NTC ang lahat ng regional directors at mga officer-in-charge ng ahensya na magpalaganap ng impormasyon hinggil sa panibagong scam.
Paliwanag ni Cordoba, sa pamamagitan ng mga radyo at telebisyon, dapat ipalaganap ng mga regional directors ng NTC ang impormasyon upang bigyang babala ang publiko hinggil sa panibagong variant ng fake job at text scams.
Sinasabing ang mga opisyal ng NTC at mga telco ay inatasang magsumite ng compliance report hanggang Sept. 19, 2022.