Nabunyag na may panibagong variety ng fake job at iba pang text scam ang kumakalat ngayon at ipinadadala sa mga subscriber.
Pagsisiwalat ng National telecommunications Commission (NTC), nitong buwan ng Agosto ay muling kumalat ang mga text kaugnay sa pekeng trabaho, lucky winner, at iba pang money scams.
Sinasabing sa latest variant ng text scam, sinabi ng NTC na kasama na sa laman ng mensahe ang pangalan ng recipient.
Bunga nito, inatasan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang mga telecommunications company, kabilang ang DITO Telecom, Globe at Smart na magpadala ng text blast sa kanilang subscriber upang bigyang babala sa mga kumakalat na scam.
Nabatid na simula August 31 hanggang September 6, iniutos ng NTC ang pagpapadala ng mensaheng “HUWAG PONG MANIWALA SA TEXT NA NAGLALAMAN NG INYONG PANGALAN AT NANG-AALOK NG TRABAHO, PABUYA O PERA. ITO PO AY ISANG SCAM”.
Bukod dito, ibatasan din ni Cordoba ang mga telco na tiyakin ang agarang pag-block sa mga SIM cards na ginagamit sa panloloko.
Kasabay nito, ipinag-utos ng NTC sa lahat ng regional directors at mga officer-in-charge ng ahensya na magpalaganap ng impormasyon hinggil sa panibagong scam.
Giit ni Cordoba, sa pamamagitan ng mga radyo at telebisyon, dapat ipalaganap ng mga regional directors ng NTC ang impormasyon upang bigyang babala ang publiko hinggil sa panibagong variant ng fake job at text scams.
Ang mga opisyal ng NTC at mga telco ay inatasang magsumite ng compliance report hanggang Sept. 9, 2022.