Mariing inatasan ng National Telecommunications Communication (NTC) ang mga telecommunications company (telcos) na tiyakin ang kahandaan sa pananalasa ng Super Typhoon Mawar.
Batay sa memorandum ni NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, pinatitiyak nito sa mga telco na may sapat na bilang ng technical o support personnel, standby generators na may extra fuel at spare equipment sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Ipinag-utos din ng NTC ang mabilis na pagsasagawa ng repair at restoration ng telecommunication services sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Maliban dito, pinagtatalaga ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations ang mga telecommunications company sakaling may mga lugar na mawalan ng serbisyo ng network at ng suplay ng kuryente.
Kasabay nito, pinagsusumite naman ang mga telco ng status updates sa NTC kada anim na oras ng kanilang restoration activities at timeline ng full restoration.