Mariing ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa lahat ng public telecommunications o telcos at internet services providers (ISPs) na tiyakin ang minimal service disruption at downtime sa kanilang serbisyo sa holiday season.
Batay sa memorandum na ipinalabas ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, mula December 17, 2021 hanggang January 7, 2022 ay obligado ang mga telcos at ISPs na bilisan ang kanilang maintenance efforts, itaas ang kanilang internet/broadband capacities, at siguruhin ang business continuity at disaster recovery protocols, 24/7.
Idiniin sa memo na sa kabila ng pagbaba ng COVID-19 cases, nananawagan ang Department of Health (DOH) na mag-celebrate na lamang ng Christmas parties virtually bunsod ng banta ng Omicron variant.
Sa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na “Kung magki-Christmas party po baka maaari, virtual parties muna. Let’s have that sacrifice first para po sa kapakanan ng ating pamilya at sa kapakanan po ng buong sambayanang Pilipino.”
Bunsod nito, inaasahan ang surge sa internet traffic sa holiday season.