Inaasahang mas gaganda at mas bibilis pa ang pagtatayo ng Infrastructure Projects para sa mga Telecommunication Companies a buong bansa.
Ito’y makaraang maglabas ng direktiba ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para okupahin ng mga telco ang bahagi ng right of way ng pamahalaan.
Nabatid na nakatugon na ang mga lokal na pamahalaan sa inilabas na Joint Memorandum Circular #1 series of 2020 na nilagdaan ng Department of Information and Communication (DICT), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Sa nasabing kasunduan, mabilis nang maipoproseso ang hinihiling na permit ng mga TelCo sa Local Government Units para makapagpatayo sila ng mga karagdagang istruktura at pasilidad upang lalo pang mapabilis ang kanilang serbisyo.
Batay sa datos noong isang taon, aabot sa 4,337 ang naipatayong cell towers ng mga TelCo na mas mataas ng 1,672 kumpara sa naitalang 1,746 towers na kanilang naipatayo nuong 2019.
Patuloy din ang paglalagak ng pondo ng mga telco tulad ng Globe, PLDT-SMART, Converge at DITO telco para sa kanilang fiber optic kung saan, aabot sa 846,323 cable – kilometers ang kanilang nailatag sa buong bansa.