Dahil sa pinsala na maaaring idulot ng bagyong Karding, inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng public telecommunications entities na tiyakin ang kanilang kahandaan.
Batay sa ipinalabas na memorandum ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, ipinag-utos nito sa mga telco na tiyakin na mayroong sapat na bilang ng technical at support personnel, standby generators na may extra fuel, at iba pang gamit sa mga lugar na posibleng tamaan ng bagyo.
Iniutos din ni Cordoba na madaliin ang repair at restoration ng telecommunication services kung mayroong naapektuhan ng kalamidad.
Bukod dito, inatasan din ang mga network company na magtalaga ng “Libreng Tawag” at “Libreng Charging” stations sa mga apektadong lugar.